Kabanata 1: Ang Pagtitipon
Kabanata 2: Crisostomo Ibarra
Kabanata 3: Ang Hapunan
Kabanata 4: Erehe at Pilibustero
Kabanata 5: Ang Liwanag sa Gabing Madilim
Kabanata 6: Kapitan Tiago
Kabanata 7: Ligawan sa Asotea
Kabanata 8: Ang mga Alaala
Kabanata 9: Ang Balita Tungkol sa Bayan
Kabanata 10: Bayan ng San Diego
Kabanata 11: Ang mga Makapangyarihan
Kabanata 12: Ang Araw ng mga Patay
Kabanata 13: Ang Babala ng Sigwa
Kabanata 14: Tasyo: Baliw o Pilosopo?
Kabanata 15: Ang mga Sakristan
Kabanata 16: Si Sisa
Kabanata 17: Si Basilio
Kabanata 18: Mga Kaluluwang Nagdurusa
Kabanata 19: Mga Karanasan ng Isang Guro
Kabanata 20: Ang Pagpupulong sa Tribunal
Kabanata 21: Ang Kasaysayan ni Sisa
Kabanata 22: Ang Liwanag at Dilim
Kabanata 23: Ang Piknik
Kabanata 24: Sa Kagubatan
Kabanata 25: Sa Bahay ni Pilosopo Tasyo
Kabanata 26: Ang Araw Bago ang Pista
Kabanata 27: Sa Pagtatakipsilim
Kabanata 28: Ilang Sulat
Kabanata 29: Ang Araw ng Pista
Kabanata 30: Sa Simbahan
Kabanata 31: Ang Sermon
Kabanata 32: Ang Paghugos
Kabanata 33: Ang Malayang Isipan
Kabanata 34: Ang Pananghalian
Kabanata 35: Ang Usap-usapan
Kabanata 36: Ang Unang Suliranin
Kabanata 37: Ang Kapitan Heneral
Kabanata 38: Ang Prusisyon
Kabanata 39: Si Donya Consolacion
Kabanata 40: Ang Karapatan at Lakas
Kabanata 41: Dalawang Dalaw
Kabanata 42: Ang Mag-asawang de Espadaña
Kabanata 43: Mga Plano
Kabanata 44: Pagsusuri ng Budhi
Kabanata 45: Ang mga Pinag-uusig
Kabanata 46: Ang Sabungan
Kabanata 47: Ang Dalawang Senyora
Kabanata 48: Ang Palaisipan
Kabanata 49: Ang Hinaing ng mga Inuusig
Kabanata 50: Mga Kamag-anak ni Elias
Kabanata 51: Ang Pagbabago
Kabanata 52: Ang mga Anino
Kabanata 53: Ang Mabuting Araw ay Nakikilala sa Umaga
Kabanata 54: Walang Lihim ang Hindi Nabubunyag
Kabanata 55: Ang Pagkakagulo
Kabanata 56: Mga Sabi-sabi at Pala-palagay
Kabanata 57: Vae Victis o Ang mga Talunan
Kabanata 58: Ang Sinumpa
Kabanata 59: Pagmamahal sa Bayan
Kabanata 60: Ang Kasal ni Maria Clara
Kabanata 61: Ang Habulan sa Lawa
Kabanata 62: Ang Paliwanag ni Padre Damaso
Kabanata 63: Noche Buena
Kabanata 64: Katapusan

KABANATA

1: Isang Pagtitipon


Isang marangyang salusalo ang ipinag-anyaya ni Don Santiago de los Santos na higit na populár sa taguring Kapitan Tiago. Ang handaan ay gagawin sa kaniyang bahay na nasa Kalye Anloague (na ngayo'y Kalye Juan Luna) na karatig ng Ilog Binundok.


Ang paayaya ay madalíng kumalat sa lahat ng sulok ng Maynila. Bawat isa ay gustong dumalo sapagkat ang mayamang Kapitán ay kilalá bílang isang mabuting tao, mapagbigay at laging bukás ang palad sa mga nangangailangan. Dahil dito, ang iba ay nababalino kung ano ang isusuot at sasabihin sa mismong araw ng handaan.


Nang gabíng iyon dagsa ang mga panauhin na gaya ng dapat asahan. Punô ang bulwagan. Ang nag-iistima sa mga bisita ay si Tiya Isabel, isang matandang babae na pinsan ng maybahay. Kabílang sa mga bisita sina tenyente ng guardia civil, Padre Sibyla, ang kura paroko ng Binundok, si Padre Damaso na madaldal at mahahayap ang mga salita at dalawang paisano. Ang isa ay kararating lámang sa Pilipinas.


Ang kararating na dayuhan ay nagtatanong tungkol sa mga asal ng mga katutubong Pilipino. Ipinaliwanag niya na ang pagpunta niya sa bansa ay sarili niyang gastos. Ang pakay ng kaniyang paglalakbay ay upang magkaroon ng kabatiran tungkol sa lupain ng mga Indiyo.


Nagkaroon ng mainitang balitaktakan ng mabanggit ng dayuhan ang tungkol sa monopolyo ng tabako. Nailabas ni Padre Damaso ang kaniyang mapanlait na ugali. Nilibak niya ang mga Indiyo. Ang tingin niya sa mga ito ay hamak at mababà. Lumitaw rin sa usapan ang panlalait ng mga Espanyol tungkol sa mga Pilipino noong mga nakalipas na araw. Mapanlibak si Padre Damaso. Kung kaya’t iniba ni Padre Sibyla ang usapan.


Napadako ang usapan tungkol sa pagkakalipat sa ibang bayan ni Padre Damaso pagkatapos ng makapagsilbi sa loob ng dalawampung taon bílang kura paroko ng San Diego. Sinabi niya kahit na ang hari ay hindi dapat manghimasok sa pagpaparusa ng simbahan sa mga erehe.


Pero, ito ay tinutulan ng tenyente ng Guardia Civil sa pagsasabing may karapatan ang Kapitan Heneral sapagkat ito ang kinatawan ng hari ng bansa.


Ipinaliwanag pa ng tenyente ang dahilan ng pagkakalipat ni Padre Damaso. Ito umano ang nag-utos na hukayin at ilipat ang bangkay ng isang marangal na laláki na napagbintangang isang erehe ng pari dahil lámang sa hindi pangungumpisal.


Ang ginawa ay itinuturing sa isang kabuktutan ng Kapitan Heneral. Kung kayâ inutos nito ang paglilipat sa ibang parokya ang paring Pransiskano bílang parusa. Nagpupuyos sa gálit ang pari kapag naaalala niya ang mga kasulatang nawaglit.


Iniwanan na ni tenyente ang umpukan, pagkatapos nitong makapagpaliwanag. Sinikap ni Padre Sibyla na pakalmahin ang loob ni Padre Damaso. Lumawig muli ang talayan. Dumating ang ilan pang mga bagong panauhin. Ilan sa mga ito ay ang mag-asawang sina Dr. de Espadaña at Donya Victorina.


2: Si Crisostomo Ibarra


Dumating si Kapitan Tiyago at si Ibarra na luksang-luksa ang kasuotan (nakasuot ng itim). Binating lahat ni kapitán ang mga panauhin at humalik sa kamay ng mga pari na nakalimot na siya ay bendisyunan dahil sa pagkabigla. Si Padre Damaso ay namutla nang makilala si Ibarra.


Ipinakilala ni Kapitan Tiyago si Ibarra sa pagsasabing ito ay anak ng kaniyang kaibigang namatay at kararating lámang niya buhat sa pitong taong pag-aaral sa Europa. Malusog ang pangangatawan ni Ibarra, sa kaniyang masayang mukha mababakas ang kagandahan ng ugali. Bagama't siya ay kayumanggi, mahahalata rin sa pisikal na kaanyuan nito ang pagiging dugong Espanyol.


Tinangkang kamayan ni Ibarra si Padre Damaso sapagkat alam niyang ito ay kaibigang matalik ng kaniyang yumaong ama. Ngunit, ito ay hindi inamin ng pari. Totoo, siya ang kura sa bayan. Pero, ikinaila niyang kaibigan niya ang ama ni Ibarra.


Napahiya si Ibarra at iniatras ang kamay. Dagling tinalikuran niya ang pari at napaharap sa tenyenteng kanina pa namamasid sa kanila. Masayang nag-usap sina tenyente at Ibarra. Nagpapasalamat ang tenyente sapagkat dumating ang binata nang walang anumang masamáng nangyari. Basag ang tinig ng tenyente ng sabihin niya sa binata na nasa ito ay higit na maging mapalad sa kaniyang ama. Ayon sa tenyente ang ama ni Ibarra ay isang táong mabait. Ang ganitong papuri ay pumawi sa masamáng hinala ni Ibarra tungkol sa kahabag-habag na sinapit ng kaniyang ama.


Ang pasulyap ni Padre Damaso sa tenyente ay sapat na upang layuan niya ang binata. Naiwang mag-isa si Ibarra sa bulwagan nang walang kakilala.


Tulad ng kaugaliang Alemán na natutuhan ni Ibarra buhat sa kaniyang pag-aaral sa Europa, ipinakilala niya ang kaniyang sarili sa mga nanduruong kamukha niyang panauhin. Ang mga babae ay hindi umimik sa kaniya. Ang mga lalaki lámang ang nagpapakilala rin sa kaniya. Nakilala niya ang isang binata rin na tumigil sa pagsusulat.


Malápit nang tawagin ang mga panauhin para maghapunan, nang lumapit si Kapitan Tinong kay Ibarra para kumbidahin sa isang pananghalian kinabukasan. Tumanggi sa anyaya ang binata sapagkat nakatakda siyang magtungo sa San Diego sa araw na naturan.


3: Ang Hapunan


Isa-isang nagtungo ang mga panauhin sa harap ng hapagkainan. Sa anyo ng kanilang mga mukha, mahahalata ang kanilang pakiramdam. Siyang-siya si Padre Sibyla samantalang banas na banas naman si Padre Damaso. Sinisikaran niya ang lahat ng madaanan hanggang sa masiko niya ang isang kadete. Hindi naman umiimik ang tenyente. Ang ibang bisita naman ay magiliw na nag-uusap at pinupuri ang masarap na handa ni Kapitan Tiyago. Nainis naman si Donya Victorina sa tenyente sapagkat natapakan ang kola ng kaniyang sáya habang tinitignan nito ang pagkakulot ng kaniyang buhok.


Sa may kabisera umupo si Ibarra. Ang magkabilang dulo naman ay pinagtatalunan ng dalawang pari kung sino sa kanila ang dapat na lumikmo roon.


Sa tingin ni Padre Sibyla, si Padre Damaso ang dapat umupo roon dahil siya ang padre kumpesor ng pamilya ni Kapitan Tiyago. Pero, si Padre Sibyla naman ang iginigiit ng Paring Pransiskano. Si Sibyla ang kura sa lugar na iyon, kung kaya’t siya ang karapat-dapat na umupo.


Anyong uupo na si Sibyla, napansin niya ang tenyente at nagkunwaring iaalok ang upuan. Pero, tumanggi ang tenyente sapagkat umiiwas siyang mapagitnaan ng dalawang pari.


Sa mga panauhin, tanging si Ibarra lámang ang nakaisip na anyayahan si Kapitan Tiyago. Pero, kagaya ng may karaniwang may pahanda, magalang na tumaggi ang kapitan sabay sabing “Huwag mo akóng alalahanin.”


Sinimulan ng idulot ang pagkain. Naragdagan ang pagpupuyos ng damdamin ni Padre Damaso, ang ihain ang tinola. Paano puro úpo, leeg at pakpak ng manok ang napunta sa kaniya. Ang kay Ibarra ay puro masasarap na bahagi ng tinola. Hindi alam ng pari, sadyang ipinaluto ng kapitán ang manok para kay Ibarra.


Habang kumakain, nakipag-usap si Ibarra sa mga ibang panauhin na malápit sa kinaroroonan niya. Batay sa sagot ng binata sa tanong ni Laruja, siya ay mayroon ding pitóng taóng nawala sa Pilipinas. Bagama't, wala siya sa bansa, hindi niya nakakalimutan ang kaniyang bayan. At sa halip, siya ang nakakalimutan ng bayan sapagkat ni wala man lang isang táong nakapagbalita tungkol sa masaklap na sinapit ng kaniyang ama. Dahil sa pahayag na ito ni Ibarra, nagtumibay ang paniniwala ng tenyente na talagang walang alam ang binata sa tunay na dahilan ng pagkamatay ng kaniyang amang si Don Rafael.


Tinanong ni Donya Victorina si Ibarra na bakit hindi man lang ito nagpadala ng hatid-kawad, na kagaya ng ginawa ni Don Tiburcio nang sila ay magtaling-puso.


"Nasa ibang bayan ako nitong mga huling dalawang taon," tugon naman ni Ibarra.


Nalaman ng mga kausap ni Ibarra na maraming bansa ang napuntahan nito at maraming wika ang kaniyang alam. Ang katutubong wikang natutuhan niya sa mga bansang pinupuntahan niya ang ginagamit niya sa pakikipagtalastasan. Bukod sa wika, pinag-aaralan din niya ang kasaysayan ng bansang kaniyang pinupuntahan partikular na ang tungkol sa Exodo o hinay-hinay na pagbabago sa kaunlaran.


Ipinaliwanag ni Ibarra na halos magkakatulad ang mga bansang napuntahan niya sa tema ng kabuhayan, politika at relihiyon. Pero, nangingibabaw ang katotohanang nababatay sa kalayaan at kagipitan ng bayan. Gayundin ang tungkol sa ikaaalwan at ikapaghihirap nito.


Naudlot ang pagpapaliwanag ni Ibarra sapagkat biglang sumabad si Padre Damaso. Walang pakundangan ininsulto niya ang binata. Sinabi niyang kung iyon lámang ang nakita o natutuhan ni Ibarra, siya ay nag-aksaya lámang ng pera sapagkat kahit na bata ay alam ang mga sinabi nito. Nabigla ang lahat sa diretsang pagsasalita ng pari.


Kalmado lámang si Ibarra, ipinaliwanag niyang sinasariwa lámang niya ang mga sandaling madalas na pumunta sa kanila si Padre Damaso noong maliit pa siya upang makisalo sa kanilang hapag-kainan. Ni gaputok ay hindi nakaimik ang nangangatal na si Damaso.


Nagpaalam na si Ibarra. Pinigil siya ni Kapitan Tiago sapagkat darating si Maria Clara at ang bagong kura paroko ng San Diego. Hindi rin napigil sa pag-alis si Ibarra. Pero, nangako siyang babalik kinabukasan din.


Ngumakngak naman si Padre Damaso, nang umalis si Ibarra. Binigyang-diin niya na ang gayong pagkilos ng binata ay tanda ng kaniyang pagiging mapagmataas. Dahil dito, aniya, dapat na ipagbawal ng pamahalaang kastila ang pagkakaloob ng pahintulot sa sinumang Indio na makapag-aral sa Espanya.


Nang gabíng iyon, sinulat ng binata sa kolum ng Estudios Coloniales ang tungkol sa isang pakpak at leeg ng manok na naging sanhi ng alitan sa salusalo; ang may handa ay walang silbi sa isang piging at ang hindi dapat pagpapaaral ng isang Indio sa ibang lupain.


4: Erehe at Filibustero


Naglakad na si Ibarra na hindi batid ang destinasyon. Nakarating siya hanggang sa may Liwasan ng Binundok . Sa maraming táong pagkakawala niya sa bayan, wala pa ring pagbabago sa kaniyang dinatnan.


Sa paggala-gala ng kaniyang paningin, naramdaman niyang may dumantay na kamay sa kaniyang balikat. Si tenyente Guevarra, na sumunod sa kaniya upang paalalahanan na mag-ingat din sapagkat nangangamba siyang bakâ matulad siya (si Ibarra) sa sinapit ng kaniyang ama. Nakiusap si Ibarra na isalaysay ng tenyente ang tungkol sa búhay ng kaniyang ama sapagkat tunay na wala siyang nalalaman dito.


Sinabi ni Ibarra na sumulat ang kaniyang ama sa kaniya may isang taon na ang nakakalipas. Nagbilin si Don Rafael (ama ni Ibarra) na huwag nitong ikagugulat kung sakali mang hindi siya makasulat sapagkat lubha siyang abala sa kaniyang mga gawain.


Ganito ang salaysay ng tenyente: Si Don Rafael ay siyang pinakamayaman sa buong lalawigan. Bagama't siya ay iginagalang, may ilan din namang naiinggit. Ang mga nuno nila ay mga Kastila. Ang mga Kastila dahil sa kasawian ay hindi gumagawa ng mga nararapat. Ang masasamâ sa Espanya ay nakakarating sa Pilipinas. Si Don Rafael ay maraming mga kagalit na mga Kastila at pari. Ilang buwan pa lámang nakakaalis sa Pilpinas si Ibarra, si Don Rafael at Padre Damaso ay nagkasira. Di-umano, 'di nangungumpisal si Don Rafael.


Nabilanggo si Don Rafael dahil sa pagkakaroon ng mga lihim na kaaway. Pinagbintangan pa siya ang pumatay sa isang mangmang at malupit na artilyerong naniningil ng buwis ng mga sasakyan. Ngunit hindi naman totoo.


Isang araw may isang grupo ng mga bata na sinigawan ang artilyero ng "ba, be, bi, bo, bu" na labis na ikinagalit nito. Pinukol ng kaniyang tungkod ng artilyero ang mga bata. Isa ang sinampal na tinamaan at nabuwal. Pinagsisipa niya ito. Napatiyempo namang nagdaraan si Don Rafael. Kinagalitan niya ang artilyero. Ngunit, ito ay lalong nagpuyos sa gálit at si Don Rafael ang kaniyang hinarap. Walang nagawa si Don Rafael kung hindi ipagtanggol ang sarili.


Sa hindi malamang dahilan, bigla na lámang sumuray-suray ang artilyero at dahan-dahang nabuwal. Malala ang kaniyang pagkakabuwal sapagkat ang kaniyang ulo ay tumama sa isang tipak na bato. Nagduduwal ito at hindi nagkamalay hanggang sa tuluyang mapugto ang hininga.


Dahil dito, nabilanggo si Don Rafael. Pinagbintangan siyang erehe at pilibustero. Masakit sa kaniya ang ganito sapagkat iyon ang itinuturing na pinakamabigat na parusa.


Ngunit lalong nadagdagan ang dagan sa kaniyang dibdib. Pinaratangan din siyang nagbabasá ng mga ipinagbabawal na aklat (El Correo de Ultramar) at diyaryo, nagtatago ng larawan ng paring binitay, isinakdal sa salang pangangamkam ng lupain at nagbibigay ng tulong sa mga tulisan.


Gumawa siya (tenyente) ng paraan upang tulungan si Don Rafael at sumumpang ito ay marangal na tao. Katunayan, siya ay kumuha ng isang abogadong Pilipino na si G.A at G.M. Ito ay pagkaraang lumitaw sa pagsusuri na ang ikinamatay ng artilyero ay nag pamumuo ng dugo sa ulo nito.


Nang lumaon, ang katwiran ay nagtagumpay din. Nang si Don Rafael ay malápit nang lumaya dahil sa tapos nang lahat ang mga kasong ibinintang sa kaniya. Ang sapin-saping kahirapan ng kalooban na kaniyang dinanas ay hindi nakayanan ng kaniyang pisikal na katawan.


Hindi na niya natamasa ang malayang búhay. Sa mismong loob ng bilangguan, nalagutan ng hininga si Don Rafael.


Huminto sa pagsasalaysay ang tenyente. Inabot nito ang kaniyang kamay kay Ibarra at sinabing si Kapitan Tiyago na lámang ang bahalang magsalaysay ng iba pang pangyayari. Nasa tapat sila ng kuwartel nang maghiwalay. Sumakay sa kalesa si Ibarra.